[Lahat ng link sa akdang ito ay magdadala sa iyo sa mga pahinang nasa wikang Ingles.]
Unnecessary Caesarean (Hindi Kailangan ng Caesarean) ang tawag sa kampanyang inilunsad noong unang linggo ng Marso sa bansang Puerto Rico. Hangad nila na bumaba ang napakalaking porsiyento ng panganganak sa pamamagitan ng caesarean: karamihan sa mga C-sections ng bansa ay hindi tumutugma sa mga tunay na pangangailangang medikal.
Litrato mula kay Eugene Luchinin CCBY
Nakasentro ang nasabing kampanya sa isang bidyo na may tugtuging hip-hop na humihikayat sa mga nagdadalantao sa matalinong pagdedesisyon kung kailangan ba talagang sumailalim sa C-section. Ayon sa website ng proyekto, kalahati ng bilang ng lahat ng sanggol na ipinanganak sa Puerto Rico ay bunga ng paraang caesarean, kung saan inilalabas ang bata matapos hiwain ang tiyan ng isang nanay sa halip na iluwal ito sa kanyang puwerta. Hindi maitatanggi ang kahalagahan ng paraang Caesarean sa mga pagkakataong nanganganib ang buhay ng isang ina o ng kanyang anak dahil sa iba't ibang uri ng komplikasyon. Subalit ang pagsasagawa ng tinatawag na elective C-section o ang kagustuhang magpacaesarean ay may dalang maraming panganib sa ina at anak kumpara sa paraang natural.
Sa nasabing bidyo, ipinapakita na may ilang doktor ang pinipili ang caesarean dahil mas mabilis ito, sa halip na maghintay ng natural na paraan ng panganganak; samakatuwid pinipili ng iilan ang kaginhawaan sa halip na matiyak ang kalusugan ng ina at kanyang sanggol. Ang kanilang mungkahi, hikayatin ang mga tao na magsanay bilang doula o midwife na mag-aasikaso sa natural na paraan ng panganganak, at mabawasan ang bilang ng mga inang sumasailalim sa mga operasyon.
El compromiso principal de inne-CESÁREA es, promover el apoderamiento de las mujeres puertorriqueñas para atender el serio problema de salud pública que representan la alta tasa de cesáreas y las intervenciones innecesarias durante el parto para la madre y el bebé, a través de una campaña de prevención validada, actualizada y atractiva sobre la humanización del parto.
Ipinapakita sa paggawa ng bidyo ang pagsasama-sama ng higit 50 katao, kabilang na ang mga buntis, mga ina, kabataan, magulang, estudyante, mediko at iba pa.