Mga Litrato ng Afghanistan na Hindi Mo Pa Nakikita

[Lahat ng link sa akdang ito ay magdadala sa iyo sa mga pahinang nasa wikang Ingles.]

Ilang dekada ng giyera at terorismo ang bumalot sa bansang Afghanistan na tinaguriang isa sa mga pinakamapanganib na lugar sa buong mundo. Sa kabila ng pag-unlad ng pamumuhay doon magmula nang napatalsik sa puwesto ang grupong Taliban noong 2001, madalas pa ring nababalita sa midya ang negatibong imahe ng Afghanistan gaya ng mga pambobomba, kaguluhan, at pagkasawi ng buhay. Dahil sa mga nakakakilabot na pagsasalarawan, maraming dayuhan ang natatakot bumisita sa masalimuot ngunit magandang lugar ng Afghanistan.

Kaya naman kapansin-pansin ang mga likhang sining ni Antony Loveless, isang Britanikong mamamahayag at litratista. Magmula noong Marso 2012, naging daan ang Twitter upang maibahagi ni Loveless ang mga litrato ng kanyang mga paglalakbay sa Afghanistan, gamit ang hashtag na siya mismo ang umimbento, ang #TheAfghanistanYouNeverSee [ang Afghanistan na hindi mo pa nakikita].

Sa naging panayam ng Global Voices, ibinunyag ni Loveless na:

I have a portfolio of over 2,000 images shot on three trips to Afghanistan in recent years and to keep track of them, I conceived of the rather unwieldy hashtag [#TheAfghanistanYouNeverSee].

May higit 2,000 larawan akong nakuha mula sa pagpunta ng Afghanistan ng tatlong beses, at upang masundan ko ang mga ito, naisip ko ang hashtag na #TheAfghanistanYouNeverSee.

Ang Batang Babae sa Lawa, nagtatampisaw sa tubig at nagpapalamig sa gitna ng sikat ng araw. Litrato ni Antony Loveless, may pahintulot sa paggamit.

Ang 'luntiang bahagi' ng Afghanistan, isang malawak at masaganang lupain sa Lambak ng Ilog Helmand. Litrato ni Antony Loveless, may pahintulot sa paggamit.

Nakakamanghang kagandahan ng Lawa ng Kajaki sa timog Afghanistan, tanawin mula sa isang elikopterong Chinook ng Royal Air Force. Litrato ni Antony Loveless, may pahintulot sa paggamit.

Nakita naman ni Sarhento Alex Ford ng Royal Air Force ang hashtag ni Loveless. Nagsilbi noong 2011 si Ford sa lalawigan ng Hilmand sa loob ng 6 na buwan.

Sa kanyang panulat sa Warfare Magazine, sinabi ni Ford: 

We have been involved in Afghanistan for almost 11 years now, and it has become commonplace to see images of the war back here. But generally those images tend to be more about the negative side of the conflict there. Pictures of flag-draped coffins driving through Wootton Bassett or out of Brize Norton… a picture of a soldier smiling, but the caption underneath giving the date he died. Sadly, the majority of the British population that supports the lads and lasses on the ground have no real insight into the story of the war out there; the story that is Afghanistan.

11 taon na tayong nanghihimasok sa Afghanistan, at pangkaraniwan na ang mga larawan ng nagaganap na giyera. Ngunit madalas negatibo ang tingin natinsa mga litratong ito. Mga larawan ng mga kabaong ng sundalo sa Wootton Bassett o Brize Norton… isang imahe ng nakangiting sundalo, pero nakalagay ang araw ng kanyang pagkamatay sa bandang ibaba. Nakakalungkot dahil hindi alam ng karamihan ng mga mamamayan sa Britanya ang tunay na kuwento sa likod ng digmaan; ang kuwento ng Afghanistan.

Mga batang inaabangan ang mga sundalo sa Helicopter Landing Site. Litrato ni Alex Ford, may pahintulot sa paggamit.

Hawak ng mga batang Afghan ang mga libro at bolpeng ibinigay ng UNICEF. Litrato ni Alex Ford, maay pahintulot sa paggamit.

Lalong sumikat ang nasabing hashtag dahil sa mga turistang bumibisita sa Afghanistan at ginamit ang tag upang ibahagi ang kani-kanilang mga litrato.

Isang batang Afghan na nakahanda sa likod ng kamera. Litrato ni Steve Blake, may pahintulot sa paggamit.

Kamakailan, ginamit rin ng litratistang Afghan na si Iqbal Ahmad Oruzgani ang hashtag sa kanyang mga litrato upang ipakita ang ibang perspektibo sa Afghanistan.

Kasalang bayan para sa dose-dosenang magsing-irog sa Daikundi, gitnang Afghanistan. Naging popular ang pagdaos ng kasalang bayan dahil bawas-gastos ito para sa bawat pamilya. Litrato ni Iqbal Ahmad Oruzgani, may pahintulot sa paggamit.

Mga batang Afghan na nagbabasa ng aklat sa harap ng isang tindahan. Litrato ni Iqbal Ahmad Oruzgani, may pahintulot sa paggamit.

Taglamig sa Distrito ng Behsud sa lalawigan ng Maidan Wardak. Litrato ni Iqbal Ahmad Oruzgani, may pahintulot sa paggamit.

Daan-daan naman ang nag-retweet sa Twitter ng mga litrato sa nasabing hashtag, kaya't higit na lumawak ang bilang ng mga saksi sa mga larawang ito.

Sa pakikipag-usap sa Global Voices, sinabi ni Antony Loveless:

Countless tweeters have said it’s the best use of a hashtag on twitter, ever, and I am currently in talks to produce a book based on the hashtag after countless people expressed an interest in buying one.

Hindi mabilang ang mga nagsabing ito na raw ang pinakamagandang gamit ng isang hashtag sa twitter, at sa kasalukuyan inaayos ko na ang proseso ng paglalathala ng isang libro mula sa hashtag dahil marami ang interesado sa pagbili ng ganitong aklat.

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.