[Lahat ng link na nakapaloob sa akdang ito ay magdadala sa iyo sa mga pahinang nasa wikang Ingles.]
Layon ng grupong WITNESS, isang organisasyong non-profit mula sa Estados Unidos na nagsusulong ng mga karapatang pantao, na bigyang kakayahan ang taumbayan na ipagtanggol ang nararapat na hustisya at umahon mula sa iba't ibang kwento ng pang-aabuso. Itinatag ito ng musikerong si Peter Gabriel noong 1992, at hanggang ngayon, nangunguna ang WITNESS sa pagtatanggol sa karapatang pantao sa iba't ibang bansa sa mundo, sa pamamagitan ng mga bidyo tungo sa pagbabago.
Ipinamamahagi ng nasabing pangkat ang mga sanggunian sa pagsasanay na mapapakinabangan ng lahat ng organisasyon at aktibistang nakikipaglaban para sa karapatang pantao. Ang pangunahing estratehiya ng WITNESS ay ang “adbokasiya sa bidyo”, kung saan pinapahalagahan ang paggamit ng bidyo sa kampanya para sa karapatang pantao. Nakapagturo na ang grupo sa mga hands-on workshop ng mga indibidwal mula sa humigit 80 bansa, at nakapagbigay na rin sila ng mga bidyo kamera sa mga piling aktibista at mga pinuno ng pamayanan. Naibabahagi naman ng mga mamamayan ang mga idinokumentong pang-aabuso sa video sharing website na The Hub. Nakaimbak naman ang lahat ng bidyo sa proyektong WITNESS Media Archive.
Naglunsad ang WITNESS ng isang komprehensibong kurikulum sa pagsasanay sa paggamit ng bidyo para sa adbokasiya ng karapatang pantao. Maaari itong idownload ng libre. Naglalaman ito ng 7 module at 37 sesyon na aabot ng 30 minuto hanggang 6 oras kada isa. Nakapaloob sa naturang module ang impormasyon kung paano ang tamang paggamit ng bidyo sa mga aktibidad, ang paglikha ng mga kapanipaniwalang kwento na magbibigay suporta sa kampanya, ang mga trick sa paggawa ng magandang bidyo, at iba pa. Nakapaloob naman sa bawat sesyon ang mga sumusunod na PDF:
- Mga layunin ng sesyon, at kung ano ang matututunan at mararanasan ng mga lalahok;
- Mga slide sa PowerPoint, na naka-embed upang makita ang kabuuan ng sesyon at ang mga mahahalagang punto.
- Mga dagdag na punto ng Tagapagsanay, bilang paglalagom ng sesyon; ilang mahahalagang punto, detalye ng sanggunian at mga halimbawa sa tunay na buhay, at mga ibayong pagsasanay bago matapos ang sesyon.
- Mga dagdag na punto para sa Lumalahok, bilang karagdagang kaalaman.
- Mga handout kada sesyon, at isang workbook para sa mga lalahok.
Sa tulong ng nasabing kurikulum, nais ng WITNESS na lumawak ang sakop ng mga proyekto nito sa mas maraming mamamayan, organisasyon, at pangkat mapa-online o offline man. Maaaring mapanood ang isang maikling pagtatanghal patungkol sa kurikulum ng WITNESS.