Ecuador: Mga Kababaihang Refugee Pinapasok ang Prostitusyon

Ang akdang ito ay bahagi ng aming espesyal na pag-uulat tungkol sa mga Refugee [en].

Siniyasat ng bidyo dokyumentaryong Refugees turn to Sex Work in Ecuador [en] [Mga Refugee sa Ecuador, Pumapasok sa Prostitusyon], na likha ng VJ Movement, ang kalagayan ng mga kababaihang nanggaling sa Colombia at nangibang bayan papuntang Ecuador, dahil sa karahasan sa sariling bansa. Dahil na rin sa kawalan ng legal na trabahong mapapasukan, kadalasang napipilitan ang mga kababaihang ito at kanilang mga anak na ibenta ang laman.

Inalam ni Amy Brown [en] ang sitwasyon doon, sa pamamagitan ng pakikipanayam sa mga kababaihan at ilang tanggapan sa lugar. Nilisan ng mga kababaihan ang bansang Colombia, tangan ang kanilang mga anak at kaunting kagamitan, dahil sa patuloy na banta ng mga gerilya. Subalit hindi maaring pumasok sa trabahong legal ang mga refugee kapag walang visa, na nakukuha sa loob ng 18 buwan, kung kaya't “madalas na naaabuso ang mga kababaihan doon”.

Babaeng nagtatrabaho sa isang bahay-inuman sa Ecuador. Litrato mula sa dokyumentaryo.

Babaeng nagtatrabaho sa isang bahay-inuman sa Ecuador. Litrato mula sa dokyumentaryo.

Upang makabili ng pagkain, namamasukan sila bilang tagapagluto o tagapaglaba, ngunit madalas inaalok din sila na maging “waitress”, ang karaniwang tawag sa mga prostitute sa mga bahay-aliwan. Kinuwento ng isang ina ang isang beses kung saan may nag-alok sa kanya na ipasok ang kanyang anak na dalaga sa isang trabaho sa loob ng bahay-aliwan… 13 gulang pa lamang ang dalaga.

Sa kasamaang palad, matapos ang tatlo o anim na buwan na walang hanapbuhay, walang naipon at walang oportunidad, pagbebenta ng aliw ang natitirang pag-asa para sa karamihan ng mga kababaihan dito. Marami naman ang mga kustomer: ayon sa isang ininterbyu na nagsisiyasat din sa kalagayan ng mga kababaihan doon, ang mga pangunahing kliyente sa naturang kalakaran ay mga empleyado ng mga kompanya ng langis sa lugar. Kung tutuusin, mas marami ang bilang ng mga bahay-inuman at bahay-aliwan sa lalawigan kaysa sa mga liwasan para sa basketbol at soccer.

Dahil sa kakulangan ng oportunidad para sa mga kabataan, nalalagay sa panganib ang mga batang babae: nasasama sa iligal na gawain ang mga babaeng may edad 11 at 12, gaya ng prostitusyon at sex trafficking.

Ang akdang ito ay bahagi ng aming espesyal na pag-uulat tungkol sa mga Refugee [en].

mula sa Latin Americanist [en]
Litratong thumbnail mula sa bidyong kuha ng VJ Movement.

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.