Bidyo: Mga Ina Mula sa Iba't Ibang Bansa Nagbahagi ng Kani-Kanilang Karanasan

Tampok sa website ng Pandaigdigang Museo ng Kababaihan ang tungkol sa pagiging ina. Inilarawan ng eksibit na MAMA: Motherhood around the Globe [en] [MAMA: Pagiging Ina sa Iba't Ibang Bahagi ng Mundo] ang samu't saring aspeto ng pagiging ina sa pamamagitan ng mga panayam [en] sa mga kababaihan mula Nigeria, Kenya, Afghanistan, Estados Unidos, Colombia, Hungary, Tsina at Norway.

pamilyang Kenyan

Isa si Lusina, mula sa Kenya, sa mga ininterbyu

Ang Mama to Be [en] [Magiging Ina] ay tungkol sa mga pangarap at inaasam ng mga kababaihan tungkol sa pagiging ina at sa pagdadalantao, at kung paano hinarap ng ilang kababaihan, tulad ng mga batang ina, ang balita ng pagbubuntis at pag-aalaga ng anak.

How many women in the world actually have an opportunity to decide if, how, and when to create a family? What are the reasons that women today are choosing – or refusing to choose – motherhood?

Ilang kababaihan nga ba sa buong mundo ang may pagkakataong magpasya para sa sarili kung gusto, paano, at kailan niya bubuuin ang isang pamilya? Ano ang mga dahilan ng mga kababaihan ngayon kung bakit nais – o ayaw – nilang maging ina?

Sa Healthy Mama, Healthy Baby [en] [Malusog na Ina, Malusog na Sanggol], kinuwento ng mga kababaihan ang kanilang mga karanasan sa panganganak at pagluluwal ng sanggol, at pinakita ang magkaibang pananaw ng iba't ibang kultura tungkol sa panganganak at kalusugan.

Every day, thousands of women worldwide give birth to new human life. While many of these women will have happy and successful deliveries, hundreds will die in childbirth. How do things like geography, income, and age affect your chances of a safe delivery? What is being done to improve upon the world’s maternal mortality rate, and how can you get involved?

Libu-libong kababaihan bawat araw ang nagluluwal ng panibagong buhay sa mundo. Bagamat magiging masaya at matagumpay ang karamihan sa mga karanasang ito, daan-daan pa rin ang namamatay sa panganganak. Paano nakakaapekto ang ilang bagay gaya ng heograpiya, sahod, at edad sa kaligtasan ng panganganak? Anu-ano na nga ba ang ginagawa upang mabawasan ang bilang ng mga inang namamatay sa panganganak, at paano tayo makakatulong?

Sa Featured Voices [en] [Mga Tampok na Boses], anim na kwento ang pinili ng mga hurado, mula sa dose-dosenang kwentong ipinadala ng mga mambabasa, kung saan isa lamang ang mananalo ng Community Choice Award. Isa sa mga pinagpipilian ang maikling pelikula ni Jorge Caballero para sa Gusano Films tungkol sa mahirap na kalagayan ng mga ward para sa mga babaeng nagdadalantao sa isang ospital sa bansang Colombia.
Sa sipi mula sa pelikulang Birth Maternity Journal [en], isang ina na may anim na anak ang pumunta sa isang ospital para magpatingin sa doktor at para ipanganak ang kanyang sanggol. Naging malinaw lamang ang kwento ng kanyang buhay matapos niyang sagutin ang ilang tanong ng doktor, na unti-unti namang nagbago ang pakikitungo sa kanya, iminungkahi ang pagtatali sa fallopian tube at mabilis na pinaalis ang babae ng opisina. Ipinanganak niya ang sanggol sa isang higaan sa loob ng ospital, dahil wala nang oras upang dalhin siya sa silid-panganakan.

Tinukoy naman ng Meet the Mamas [en] [Kilalanin ang mga Ina], sa pamamagitan ng personal na pakikipanayam, ang magkaibang karanasan ng isang dalagang ina mula sa bansang Liberia [en] na nasasadlak ngayon sa mahirap na kalagayan, at ng isang batang ina mula sa Estados Unidos [en], na nakaraos at nakapag-aral ulit dahil sa suporta ng kanyang pamilya.

Layon ng naturang eksibit ng Pandaigdigang Museo ng Kababaihan na ibahagi sa mas maraming tao ang kalagayan ng kalusugan ng mga ina at kababaihan. Nakalagay naman sa pahina tungkol sa Pakikipag-ugnayan [en] ang iba't ibang paraan na maaaring gawin ng mambabasa upang mapabuti ang mga istatistika at upang lumawak ang sariling kamalayan tungkol sa mahalagang isyung ito.

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.