Tutoryal mula Occupy Wall Street: “Paano Kunan ng Bidyo ang Isang Himagsikan”

Panulat ni Chris Rogy, mula Tools at Tactics ng WITNESS

This post was originally published on WITNESS’ blog. Read it here.

Ang akdang ito ay unang inilathala sa blog ng WITNESS. Basahin dito [en].

Araw ng Linggo noong ika-11 ng Disyembre 2011 nang inilimbag ng New York Times ang isang masusing ulat [en] na naglalarawan sa papel na ginagampanan ng teknolohiyang livestream sa kilusang Occupy Wall Street. Kinabukasan, labimpitong mamamahayag ang inaresto, kabilang na ang mga kasapi ng pangkat ng Global Revolution livestream [en].

Magmula noon, kapansin-pansing nagiging paboritong target ng kapulisan sa Estados Unidos ang mga kasapi ng malayang media at ang mga mamamayang may dalang kamera at kagamitang pangmedia, marahil upang mapigilan ang mga ito sa pagbabalita ng karahasan sa kapulisan at upang pangunahan ang pagdami ng nasabing kilusan [en].

Ano nga ba ang ibig sabihin ng lahat ng ito? Marahil pinapakita nito ang kapangyarihan ng citizen media sa pagpapayabong ng damdaming kilusan. Ang mga materyal na nagmula sa mga ordinaryong mamamayan ay naging susi sa pagpapakita ng ilang karahasang ginagawa ng mga pulis at nakatulong sa pagsulong ng adyenda ng kilusang Occupy simula noong ika-17 ng Setyembre 2011. Sa katunayan, naging sanggunian ng mainstream media ang mga bidyo at litrato na kuha ng mga ordinaryong mamamayan at mga livestreamer sa mga protesta ng Occupy, na nagpapatunay sa mahalagang papel na ginampanan nito sa pagtukoy ng adyenda sa publiko.

Balikan ang naging panayam kay Josh ng Global Revolution [en] tungkol sa kakayahan ng pagli-livestream.

Pangangailangan ng mga bidyong panggabay

Ngayon higit kailanman, kinakailangan ng ordinaryong mamamayan ang ilang bidyong panggabay na makakapagturo sa mabisang pagkuha ng mga bidyo habang ginaganap ang protesta, at upang matugunan ang isyung pangkaligtasan. Ngayon, makakahanap ka na ng kamera sa kung saan [en] at mahalagang maintindihan ng lahat kung paano ito mabisang gagamitin upang maiparating ang mensahe at maipaglaban ang kalayaang sibil. Ang ganitong inisiyatibo ay magagamit ng mga umuusbong na kilusan – halimbawa, sa kasalukuyang hamon sa karapatang pantao sa bansang Ehipto, Syria, at sa mga kilusang Occupy sa iba't ibang bahagi ng daigdig.

Ang tanong ngayon, anu-ano ang mga magagandang suhestisyon at pamamaraan na gusto nating imungkahi sa iba, at paano ito mabisang mapaparating sa madla?

Isang magandang halimbawa ang susunod na bidyo na gawa nila Corey Ogilvie at Andrew Halliwell noong December 2011. Sa tingin mo, may kulang ba sa mga pamamaraang nabanggit? Bilang dagdag kaalaman, isinulat din ng WITNESS ang sampung mungkahi para sa mga nagsasapelikula ng mga protesta [en], kung saan ipinapaliwanag ang tungkol sa paghingi ng karampatang pahintulot at sa pagtitipid ng baterya. Halimbawa, sa susunod na bidyo, anu-ano ang mga bagay na humuhugot sa iyong atensyon?

***

Isang intern si Chris Rogy sa WITNESS Tools at Tactics [en]. Kasalakuyan niyang kinukuha ang kanyang Master's hinggil sa Social Media at Social Change sa paaralang The New School. Kabilang sa kanyang mga proyekto ngayon ang paggawa ng dokyumentaryong gumagamit ng new media tungkol sa pagpapadeport ng mga Cambodian American refugee, na pinamagatang “Re-Fusing Refuge”, at ang pananaliksik tungkol sa mga pagsasanay ng radio drama sa mga pinuno ng iba't ibang pangkat sa kanayunan ng Cambodia.

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.