Kung napanood ninyo ang nagdaang Rugby World Cup noong 2011, napansin ninyo marahil na kinanta ng ilang manlalaro at ng mga tumatangkilik sa kanila ang pambansang awit ng New Zealand sa dalawang magkaibang wika. Taong 1999 lamang noong naglaro sila laban sa bansang Inglatera nang itanghal ang bagong ayos ng isa sa dalawang opisyal na pambansang awit, ang “God Defend New Zealand” [en] [“Ipagtanggol Nawa ng Diyos ang New Zealand”], kung saan ang unang talata ay nasa wikang Māori [en] at ang pangalawang talata ay nasa wikang Ingles. Parehong opisyal na lenggwahe ng New Zealand ang mga ito, ngunit mas malawak na ginagagamit at naiintindihan ang wikang Ingles. Subalit malalim ang ugat ng wikang Māori sa kanilang kasaysayan, na nagmula pa noong ika-13 siglo, bago pa man dumating ang mga dayuhang Europyano.
Gayunman, dahil sa pagkahilig sa palakasang rugby, kung saan kasalukuyang Pandaigdigang Kampeon ang New Zealand, aktibong inaral ng mas maraming mamamayan ang mga letra ng awit.
Bidyo mula sa laro nooong 2005:
Ayon kay Ashley Mackenzie-White mula sa Kagawaran ng Kultura at Pamana, libu-libo ang bumibisita sa website ng Kagawaran [en] upang pakinggan o pag-aaralan ang mga titik sa pambansang awit na may dalawang lenggwahe. Nilagay naman ni Karaitiana Taiuru, isang aktibista para sa wikang Māori at teknolohiya, ang letra ng pambansang awit [en] sa kanyang blog:
E Ihowa Atua
O ngā iwi mātou rā,
āta whakarongo na;
Me aroha noa.
Kia hua ko te pai;
Kia tau tō atawhai;
Manaakitia mai
Aotearoa.God of nations at thy feet
in the bonds of love we meet.
Hear our voices, we entreat,
God defend our free land.
Guard Pacific’s triple star
From the shafts of strife and war,
Make her praises heard afar,
God defend New Zealand.
ng sangkatauhan,
Pakinggan ninyo kami;
Linggapin mo kami.
Nawa'y yumabong ang mabuti;
Nawa'y dumaloy ang iyong biyaya;
Nawa'y ipagtanggol
ang New Zealand.
Diyos ng mga bansa sa iyong paanan
sa bigkis ng pag-ibig kami'y nagtipon.
Pakinggan aming boses, hiling namin,
Nawa'y ipagtanggol ang aming malayang bayan.
Bantayan ang tatlong tala ng Pasipiko
Mula sa banta ng alitan at digmaan,
Nawa'y dinig sa malayo ang kanyang papuri,
Nawa'y ipagtanggol ang New Zealand.
Isa pang bansa na may pambansang awit na may maraming lenggwahe ang Timog Aprika. Mula sa kabuuang bilang na labing-isang opisyal na wika [en], kabilang sa pambansang awit ng bansa [en] ang lima sa pinakamadalas gamitin tulad ng Xhosa, Zula, Sesotho, Afrikaans, at Ingles.
Gayunman, maraming bansa sa mundo ang may maraming opisyal na wika subalit ang kanilang pambansang awit ay nasa pangunahing wika ng nakararaming mamamayan. Halimbawa, may 36 na opisyal na wika [en] ang tinutukoy ng Saligang Batas ng Bolivia, isang bansang binubuo ng maraming pangkat etniko, subalit ang kanilang Pambansang Awit [en] ay kinakanta nasa wikang Espanyol. Gayunpaman, hindi naman nagpatinag ang ilang mamamayan upang isatitik ang mga bersyong sinalin-wika sa higit 30 katutubong lenggwahe.
Makikita sa YouTube ang mga ginawang bidyo ng mga mamamayan para sa mga bersyong ito. Batay sa mga nakasulat na komento at puna sa mga bidyo, ipinagmamalaki ng mga gumagamit ng katutubong lenggwahe ang mga bidyo sapagkat naipagbubunyi nila ang kanilang bayan gamit ang sariling wika.
Narito ang isang bersyon sa wikang Bésiro (Chiquitano) [en] na kuha sa bidyo ni Carla Guzmán, at inawit ng mga mag-aaral sa pamayanan ng San Antonio de Lomerio.
Sa bansang Peru, kamakailang lamang nang natapos ng Pambansang Surian sa Pagpapaunlad ng mga Pamayanang Andean, Amazonian, at Afro-Peruvian (INDEPA [es]), isang sangay ng gobyerno, ang proyektong isaayos ang kanilang pambansang awit sa apat na katutubong wika: Aymara [en], Awajun [en], Asháninka [en], and Quechua [en]. Mapapanood ang apat na bidyong ito sa YouTube channel ng INDEPA.
Narito ang kanilang pambansang awit na kinanta sa wikang Asháninka [en], na ginagamit ng humigit-kumulang 30,000 katao sa rehiyong Amasona ng Peru at Brazil:
Sa bansang Venezuela naman, matatagpuan ang ilan pang halimbawa ng mga bidyong gawa ng mga mamamayan para sa kanilang Pambansang Awit na isinalinwika sa mga katutubong lenggwahe. Halimbawa, narito ang mga bidyo sa wikang Warao [en], Wayúu [en], samantalang ang susunod na bidyo ay nasa wikang Pemon [en] tampok ang mga mag-aaral na kabilang sa pangkat ng Orkestrang Ciudad Bolívar at Korong “FRANSOL”.
Marami pang halimbawa ng mga bidyong gawa ng ordinaryong mamamayan ang makikita sa YouTube, hindi lang galing sa Latinong Amerika, ngunit pati na rin sa ibang parte ng mundo. Itatampok namin ang ilan pang halimbawa mula sa ibang bansa sa mga susunod na akda.
1 Komento