Guinea-Bissau: Mas Mainam na Lugar para Mag-Online

Napakahirap humanap ng maaasahan at de-kalidad na koneksyon ng internet sa bansang Guinea-Bissau. Marami mang internet cafe na maaaring gamitin ng publiko sa kabisera nitong Bissau, kapuna-puna naman ang bagal ng koneksyon at kasalukuyang kalagayan ng mga kompyuter. Umaasa din sa mabagal at mamahaling koneksyon sa internet ang mga lokal na organisasyon at tanggapan para magampanan ang kani-kanilang trabaho. Madalas, hindi naman kayang bayaran ng pangkaraniwang bulsa ng taga-Guinea-Bissau ang singil sa mga cafe at restawran na nag-aalok ng wifi.

Upang tugunan ang malaking kawalan ng access, nagsumikap ang isang lokal na NGO upang mabigyan ng abot-kayang access sa internet at ng kaukulang suporta ang mga indibidwal at organisasyon na nagnanais magkaroon ng mas mabuting koneksyon para sa kani-kanilang trabaho. Makikita ang computer center na ito sa distrito ng Missira [en] at tinatawag na “CENATIC”. Itinayo ito ng Nadel, isang NGO, sa tulong ng IEPALA [es], isang suriang Espanyol para sa pakikipagkooperasyon. Kahit na may kamahalan ang kabuuang gastos para sa pagpapatakbo sa naturang sentro, naniniwala ang mga kasapi nito na mahalagang puhunan iyon upang mapakinabangan ng mga indibidwal at organisasyon ang teknolohiya upang maisakatuparan ang mga layunin at maiparating ang kanilang mensahe sa madla.

Noong Pebrero ng taong 2012, kasamang itinaguyod ng Rising Voices at CENATIC ang isang refresher workshop para sa mga lokal NGO na dati nang nakasali sa naunang pagsasanay, na pinamunuan ni Filipa Oliveira mula sa ACEP [pt], isang Portuges na NGO. Ang mga naturang pagsasanay ay bahagi din ng aktibidades ng tanggapang Casa dos Direitos [Bahay ng mga Karapatang Pantao]. Sumali din ang mga kasapi ng pangkat ng Youth Voices of Bandim and Enterramento [en], isang proyektong sinusuportahan ng Rising Voices. Tumulong din si Ector Diogenes Cassamá, tagapag-ugnay ng nasabing proyekto, sa pagtuturo sa ilang mga kalahok ng pagsasanay.

Sa bidyong ito, ipinagmalaki ni Pascoal Nalanquite, tagapag-ugnay ng CENATIC, ang mga serbisyong inaalok ng sentro at ang mga balak nito sa pagpapalawak. Dahil sa hangarin nitong itaguyod ang citizen media, sinimulan din ni Pascoal ang sariling account sa Facebook [pt], pati ang pahina ng CENATIC sa Facebook [pt] at blog [pt].

Ikinuwento naman ng ilang kalahok ang kanilang mga blog, at tinalakay ang naidudulot ng citizen media sa mga layunin ng kani-kanilang organisasyon.

Ayon kay Bacar Fati, Tagapagtatag at Pangalawang Pangulo ng NGO na Senim Mira Nassequê [pt]:

Ayon kay Agostinho Dias, tagapag-ugnay ng Guinean League of Human Rights, isang proyektong nagbibigay serbisyong legal sa mga ina at kabataan:

Ayon kay Mamadu Ali Jalo, mula sa NGO na AD – Development Accion:

Malaki ang mai-aambag ng CENATIC sa pag-abot ng tulong para sa mga indibidwal at organisasyon sa siyudad ng Bissau, dahil na rin sa mabilis nitong koneksyon. Inaasahan din na magiging ganap na tagapagsanay sa aspeto ng citizen media si Nalanquite, ang tagapag-ugnay ng sentro, na kasalukuyang nagsasanay upang makapagturo at makatulong sa ibang mamamayan.

Partikular na pinasasalamatan ang Patnugot ng Global Voices sa Wikang Portuges na si Sara Moreira [en] sa paglalagay-titik sa mga bidyo.

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.