Ito ay bahagi ng aming espesyal na pag-uulat, ang Lindol Sa Bansang Hapon 2011 [en].
Gumagawa ng dokyumentaryo ang mamahayag na si Lisa Katayama at direktor na si Jason Wishnow tungkol sa pamumuhay ng mga taong patuloy na nakikipagsapalaran sa epekto ng radiation pagkatapos ng matinding lindol na yumanig sa bansang Hapon. Sa proyektong We Are All Radioactive [en] [“Lahat Tayo ay Radioactive”], 50% ng bidyo ay kinunan nila mismo sa mga lugar malapit sa Fukushima Power Plant na nagkaroon ng meltdown matapos ang lindol at tsunami noong Marso 2011, at 50% naman ay gawa ng mga nakatira doon na binigyan nila ng mga waterproof digital cameras, upang maibahagi ang kani-kanilang kwento tungkol sa pagbangon mula sa trahedya at ang pakikipaglaban sa epekto ng radiation. Mapapanood natin ang kwentong ito mula sa Laughing Squid. [en]
Noong ika-11 ng Marso 2011, isang lindol na may lakas na 9.0 na nakasentro sa Karagatang Pasipiko malapit sa rehiyon ng Tohoku ang gumulat sa Japan [en]. Winasak ng lindol, ang pinakamalakas na naitala sa kasaysayan ng bansa, at ng kasunod na tsunami na may mga alon na aabot sa 40.5 metro, ang maraming baybayin sa bansa at nagdulot ng meltdown sa mga nuclear reactors ng Fukushima Daiichi Power Plant, na nagkalat ng radiation sa karatig-bayan pati na sa tubig dagat.
Kahit maraming lugar na ang nakabangon muli at nakahanap na ang mga residente ng malilipatan, may iilang mamamayan na sinusubukan pa ring bumalik sa dating pamumuhay bago nangyari ang lindol. Para sa mga taong ginugol ang buhay sa tubig, gaya ng mga surfer, at ikinabubuhay ang tubig, gaya ng mga mangingisda, mahalaga para sa kanilang kalusugan na maintindihan ang epekto ng radiation sa kanilang pamumuhay.
Sa pamamagitan ng crowdsourcing platform na IndieGoGo [en], lumilikom ang We Are All Radioactive ng pondo upang maipalabas nila ang lahat ng kabanata sa kanilang web series: sa sandaling makaipon sila ng sapat na pera para sa isang kabanata, mapapanood ito sa kanilang website. Layon nilang makumpleto ang apat na episodes. Mula nang inilunsad nila ang kampanya [en], naipalabas na ang unang episode, nailunsad ang website kasabay ng anibersaryo ng nasabing lindol noong ika-11 ng Marso, at noong ika-21 ng Marso ibinahagi nila ang pangalawang kabanata ng serye sa kanilang website.
Sipi mula sa kanilang fundraising site [en]:
We Are All Radioactive combines technology, entertainment, and solid investigative journalism to provide answers to fundamental questions about radiation and the complexities of disaster response on both a political and sociological level.
Our footage also touches on the work of Architecture for Humanity, Greenpeace, Surfrider Foundation, and Safecast — all major global non-profits dedicated to helping Japan respectively with post-earthquake reconstruction, human and environmental rights, water safety, and radiation monitoring.
Bahagi din ng aming proyekto ang mga gawain ng Architecture for Humanity, Greenpeace, Surfrider Foundation, and Safecast — lahat sila ay malalaking organisasyong non-profit na layong tulungan ang bansang Hapon sa pagpapatayo ng gusali, sa pagtaguyod ng karapatang pantao at pangkalikasan, sa pagtiyak sa kaligtasan sa dagat, at sa pagmonitor ng radiation.
Sa unang kabanata ng serye [en] makikilala natin si Autumn, isang Amerikanong surfer, na bumisita sa Japan at nagpasya na manatili sa Sendai. Matapos ang lindol, nakipag-ugnayan siya sa ibang surfer at mangingisda sa lugar upang simulan ang pagbangon ng pamumuhay ng mga pamayanan sa tabing-dagat.
Makikita sa Facebook page ng proyektong We Are All Radioactive [en] ang balita tungkol sa kasalukuyang crowdfunding at ang mga bagong kabanata sa serye. Nasa wikang Hapones at Ingles ang mga bidyo at website, kabilang ang impormasyon tungkol sa kasaysayan ng paggamit ng enerhiyang nuklear sa Japan at mga links na nagpapakilala sa apat na tauhan mula sa serye [en]: si Autumn mula sa unang kabanata, si Konno na isang surfer, si Kasahara na nagkakawanggawa at patuloy na inuunawa ang epekto ng radiation sa komunidad at sa kanyang sanggol na hindi pa naisisilang, at ang isang grupo ng mga alagad ng sining na sinisiyasat ang dulot ng trahedya sa mapanganib na pamamaraan.
Ito ay bahagi ng aming espesyal na pag-uulat, ang Lindol Sa Bansang Hapon 2011 [en].
1 Komento
ano ang naging n apektohan