Pilipinas: Blogger Kinasuhan ng Miyembro ng Gabinete

Nahaharap ngayon ang blogger na si Ella Ganda sa kasong libelo dahil sa isang post na isinulat niya nitong nakaraang Oktubre. Inihayag ni Ella ang diumano'y pagtatago ng mga relief goods na dapat sana ay para sa mga nasalanta ng bagyo sa mga bodega na pag-aari ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad (Department of Social Welfare and Development, o DSWD).

Tinamaan ang Pilipinas ng isang matinding bagyo noong nakaraang Setyembre na sumalanta sa halos kalahating milyong katao sa Luzon pa lamang. Ang DSWD ang sangay ng pamahalaan na naatasang mangasiwa sa pagpapadala ng mga relief goods sa buong bansa. Sa pagtugon sa panawagan ng pamahalaan para sa karagdaragang volunteers, pumunta si Ella sa bodega ng DSWD upang tumulong sa pagbabalot ng mga relief goods.

Ang pagbubunyag ni Ella ay naging balita sa mga pangunahing media. Itinanggi ng mga opisyal ng DSWD na itinatago nila ang mga relief goods, ngunit inamin nilang nagkulang ang nasabing ahensya sa mga volunteers. Nagbigay ng pahayag na ito ang dating kalihim ng DSWD (na ngayo'y kalihim na nang Kagawaran ng Kalusugan) na si Esperanza Cabral bilang tugon sa iniulat ni Ella sa kanyang blog:

Nais naming siguruhin sa inyong lahat na ang mga relief goods ay makararating sa mga dapat nitong papuntahan ngayong mas kinakailangan ito at magagamit lamang para silang matulungan. Gayunpaman, ang mga relief goods ay hindi nakakarating agad ng sabay-sabay at ang isang bakanteng bodega ay hindi sapat na patunay na ang mga relief goods ay naipamimigay ng tama. Hindi rin sapat na katibayan nang pagkakamkam ng relief goods ang isang bodega na puno nito.

dswd

warehouse

Tatlong buwan makaraang iulat ang kanyang nakita sa bodega ng DSWD, sinampahan si Ella ng Pambansang Kawanihan ng Pagsisiyasat (National Bureau of Investigation, o NBI) ng kasong libelo. Ito ay hiniling ni Kalihim Cabral na nagsasabing ang kanyang pangalan ay nasira ni Ella. Matagal nang inaalam nina Kalihim Cabral at NBI ang tunay na pangalan ni Ella. Nais nilang sagutin ni Ella ang kaso laban sa kanya at sumailalim sa ilang polygraph tests.

Hindi ito ang unang pagkakataon na ang isang blogger ay kinasuhan ng libelo sa Pilipinas. Ngunit ito ang unang pagkakataon na ang isang miyembro ng Gabinete, sa pakikipagtulungan ng NBI, ay nagsampa ng kasong libelo sa isang blogger na hindi kilala ang ngalan.

Ano ang reaksyon ng mga Pilipinong blogger? Marami sa kanila ay sumusuporta kay Ella.

Naniniwala ang FOO Law and Economics na mahina ang kaso:

Magbibigay ako ng isang may sentido-komon na pananaw. Naniniwala ako na ang mga isinulat ni Ella ay isang halimbawa ng “fair commentary” o “patas na kuru-kuro” sa batas ng libelo. Sa ilalim ng batas, ang isang patas na komento ay sapat ng pananggalang kung ang usapin ng kasong libelo ay isang paksang may kinalaman sa kapakanan ng publiko.

Binalaan ng Resurgence 2.0 na ang kasong libelo na ito ay nagbibigay ng pangamba sa mga bloggers:

Nakita ko ang blog noong kasagsagan nito. Wala namang masamang mensahe ito na makasisira sa reputasyon ng isang tao. Wala namang mapapala ang blogger sa kanyang ginawa – maliban sa kasikatang hindi naman niya hiningi na sanhi ng kanyang isinulat. Kung mayroon mang ibig sabihin si Ella noong mga panahong iyon, ito ay ang kanyang tapat na pagkaligalig sa katotohanang maraming tao ang nagugutom at walang matirhan at walang masuot na damit at tila walang pakialam ang pamahalaan.

Nagbibigay ito ng pangamba sa mga bloggers. Ang blogging – at ang mga social networks – gaya ng pagkakaalam natin ngayon, ang kinabukasan ng media. Maaaring hindi ito kasing pormal ng pahayagan o kahit na telebisyon, ngunit aking ipaglalaban na ito ang pinakamabilis at pinakawastong pinanggagalingan ng impormasyon ngayon.

Binibigyang diin ng Carlo's Think Pieces: “Hindi ito libelo, kung hindi kalayaan sa pananalita”.

Ang nakita ko ay isang blog ng isang nag-aalalang mamamayan tungkol sa mga relief goods na tila hindi naipapamigay ng mabilis sa mga biktima ng bagyo. Wala siyang isinaad sa blog na ang mga relief goods ay “nabubulok” – ang salitang ginamit niya ay “inaalikabok”. Kanyang inihahayag ang kakulangan sa volunteers upang magawa ang pagbabalot ng relief goods, na kanya pa ngang iminungkahi na maaaring tumulong sa gawaing ito ang mga NGO o maging ang militar. Hindi niya pinagbibintangan ang Kalihim, o maging ang DSWD ng katiwalian.

Tingin ko'y lumalabis si Kalihim Cabral sa kanyang katungkulan at nagiging mapagmataas sa pamamagitan ng pagpapatahimik kay Ella at sa kanyang blog. Walang patutunguhan ang kanyang kasong libelo. Inihayag ng blog ni Ella ang katotohanan, at ito ay isinagawa sa paraang walang intensyong malisyoso. Hindi ito libelo, kung hindi kalayaan sa pananalita.

Inihayag ng Barrio Siete ang kaparehang pananaw:

Una, ang pinag-uusapang blog, na makikita rin natin sa iba pang blogs, ay isang purong opinyon. Kung ang isang tao ay magbibigay ng pahayag, na sabi nga ni Cabral, na salungat sa katotohanan, ay hindi rin maituturing na libeloso. Sa kabilang banda, ang isang pahayag ay maaaring kakitaan ng katotohanan o pananaw depende sa kung ang taong nagsasaad nito ay nasa posisyon para malaman ang mga sinasabi niyang bagay.

Bilang sagot sa kasong libelo laban kay Ella, nanawagan ang Technograph sa mga bloggers na maging handa sa pagpapatunay ng kanilang mga pahayag sa kanilang mga blogs, at humingi ng paumanhin kung napatunayang mali.

Sa ganang akin, nakikita ko ngayon na ang mga bintang kay “Ella Rose” ay hindi na ganoon kapani-paniwala. Kung paniniwalaan ang NBI, hindi nagtangka si Ella na itaguyod ang kanyang mga pahayag, kabilang na dito ang hiling na “magsagawa ng imbestigasyon ang Tanggapan ng Ombudsman o anumang ahensya na nagpapatupad ng batas”. Sagutin man ni “Ella Rose” ang kaso laban sa kanya o hindi, tandaan ninyo mga bloggers na maging handa sa pagpapatunay sa inyong mga sasabihin, at humingi ng paumanhin kung kayo ay mali!

Pinayuhan naman si Ella ng mamamahayag na si Jigs Arquiza na harapin ang kaso laban sa kanya.

Sa lahat ng hindi nakakaintindi sa ibig kong sabihin, at sa mga naniniwala na si Ella ay hindi makatarungang tinarato: karapatan ninyong pumanig kay Ella. Hindi ko sinasabi na mali kayong lahat. Ang sinasabi ko lang ay palaging may dalawang panig ang isang kuwento. Hindi inilahad ni Ella ang lahat ng katotohanan, hindi sinubukang kumuha ng tiyak na impormasyon, hindi naging responsable sa kanyang blog, at ngayon ay nagtatago sa tanggulan ng “kalayaan sa pananalita”.

Pakiramdam ng karamihan sa mga bloggers ay maaari na nilang sabihin lahat sa kanilang mga blogs, dahil maaari silang manatiling hindi kilala. At gaya ng aking nasabi, kung sa tingin ni Ella ay hindi malisyoso ang kanyang mga isinulat, mabuting lumabas na siya at kanyang harapin ang mga kaso laban sa kanya.

Iyan ang isang bagay na hindi nauunawaan ng karamihan sa mga bloggers, na kapag isinapubliko mo ang iyong mga kaisipan, hindi na ito maituturing na mga personal, kung hindi mga pahayag na nagdudulot ng mga reaksyon.

Iyan ang nangyari. Nagsulat si Ella, nagalit si Cabral, kailangang harapin ni Ella ang kalalabasan nito. Sa ano't ano naman, si Cabral pa rin naman ang magpapatunay ng malisya hindi ba? Anong kinatatakutan ni Ella ngayon?

1 Komento

  • Paano naman dumating si Jigs Arquiza sa akala o palagay na takot si Ella? At kung may “presumption of innocence” o akala na walang-sala si Ella, bakit kailangan niyang harapin ang kaso? Ang “burden of proof” o pasanin ng pagpapatibay ay wala kay Ella, ayon sa batas.

Join the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.