Masyadong popular nitong mga araw si “Lola Techie” sa Pilipinas. Ang salitang “Lola” ang katumbas sa wikang Filipino ng salitang “grandmother”. Ang salitang “Techie” ay hindi na kailangan pang ipaliwanag.
Si “Lola Techie” ang pinakasentro ng marketing campaign ng isang kumpanya ng telekomunikasyon sa Pilipinas, na gumaganap sa papel bilang isang Lola na marunong mag-Internet.
Sinubukang sukatin ng The Geeky Guide ang tagumpay ni “Lola Techie”:
Ang paggamit ng viral marketing ay hindi na bago kahit sa Pilipinas pa, pero ito na siguro ang isa sa mga pinakamatagumpay at pinaka-interactive na kampanya. Hindi ko masasabi kung ang kampanyang ito ay nakatulong sa Bayantel upang magkamit ng maraming bagong customer sa kanilang residensyal na serbisyong DSL, ngunit masisiguro ko kung gaano naging popular si “Lola Techie” at kung paano nito natulungang iangat ang pangalan ng Bayantel.
Hindi lang siya naging aktibo sa YouTube para maipalabas ang kanyang mga bagong videos, pero naramdaman din ang kanyang pagkanaroroon sa mga social networking services gaya ng Twitter, Plurk, Multiply at siyempre, sa Facebook. Oo, idadagdag ka niya sa kanyang listahan ng mga kaibigan at makakapaglaro kayo ng Mafia Wars. Mayroon din siyang sarili niyang website sa http://www.lolatechie.com/ (na kung tutuusin ay dadalhin ka lamang sa isa pang website), na nagsisilbing sentro ng pagpapakalat ng impormasyon, at kung saan ka makakapagpatala para sa kanilang mga serbisyo.
Lubhang kinagiliwan ng mga bloggers na nakakita kay Lola Techie sa telebisyon o sa Internet ang kanyang mga video ad, dahil sa maraming dahilan. Halimbawa, ayon kay down the rabbit hole,
Maliwanag ang mensahe. Ipinapakita nito sa atin na ang Internet ay maaaring magsilbing tulay sa mga tao, kahit pa milya ang layo nila sa isa’t isa, o sa kaso ni Lola Techie, bata man o matanda.
Pinakita sa atin ng Technograph ang ilang halimbawa ng Plurk ni Lola Techie:
Sabi ni Lola Techie, Ang mabilis na Internet ang unang nakakakuha ng uod.
Iniisip ni Lola Techie na hindi dapat tumigil sa paglalaro dahil matanda na tayo. Tumatanda tayo dahil tumitigil tayo sa paglalaro! Kaya maglalaro muna ako ng Plants vs. Zombies.
Sisimulan na ni Lola Techie ang pagdagdag sa mga kabataang tulad mo bilang kanyang mga kaibigan sa Plurk bago siya matulog.
Binabati ni Lola Techie ang kanyang pinakamamahal na si Domingo nang “Maligayang Araw ng mga Ama”. Naging maganda ang bunga ng ating mga ginawa.
Binabati ni Lola Techie ang kanyang mga kaibigan sa Plurk ng isang magandang gabi! Bukas naman ulit!
Pinapurihan ng The Citadel ang kaisipan ng isang lola na marunong sa computer:
Maganda na ipinapakita na nila ang mga nakatatanda sa mga ganitong klase ng commercial, sa halip na puro kabataan na lang palagi. Para naman mabago, nagpakita sila ng magandang mensahe na kahit ang mga nakatatanda ay maaaring matutong gumamit ng computer. Gusto ko talagang makalaban si Lola Techie sa DOTA. LOL. Nakakapagpatawa talaga ang mga commercial niya sa telebisyon.
Hinihiling ni Crisboy na maging katulad ng lola niya si Lola Techie, samantalang si Maruism naman ay naaalala ang kanyang ina kapag napapanood niya ang video ad ng nakatatanda:
Halos kasing-edad lang ng techie lola sa tv commercial ang nanay ko nung namatay. Sabi ko nga, siguro kung buhay pa si Nanay ko…malamang nagpa-install na rin yun computer na may internet connection para maka-chat kami at malamang nagtatampo na rin yun sa mga apo nya pag hindi sya nai-poke back sa Facebook!
Ngunit hindi lahat ay nadadala sa popularidad ni Lola Techie. Isang halimbawa nito ay si Jonas, kung saan pinili niyang tigilan ang pagsunod kay Lola Techie sa Plurk dahil sa mga sumusunod na dahilan:
Nakakapagod nang i-mute ang kanyang mga plurk kapag ang mga apo niya e nadadala pa rin sa uso. Nakakatanggap si Lola Techie ng humigit-kumulang 50 na sagot sa kanyang mga plurks.
Lahat ng mga quiz at application sa Facebook ay inilalagay niya sa Plurk! Pilit kong inilalayo ang mga ganoong klase ng status sa news feed ko. At ayan! Puro si Lola Techie ang nakikita ko sa Plurk ko.
Ang nauuso pa nga ay baka magkaroon siya ng sarili niyang blogger event! Halos lahat kasi ng kanyang mga tagasunod ay mga Pinoy Bloggers.
At dahil isa lamang kathang-isip si Lola Techie, umaasa ako sa mga lumikha sa kanya na gawin pa siyang mas techie na tao. Kaya ako natuwa kay Inday, ang Sosyal na Katulong, ay dahil nagtatagumpay sila ng manager niya na paduguin ang ilong ng mga audience nila. Mas kapani-paniwala siguro ang pagiging techie ni Lola Techie kung sinasabi niya sa Plurk na nakapag-secure siya ng isang wireless router, o kaya ay nakapag-alis siya ng virus sa isang computer, o kaya ay nakagamit siya ng Konami code, o kaya ay iba pang katulad na bagay. Sana nilubos-lubos na nila.
Samantala, iniisip ng The P4TAL na hindi lahat ng mga nakatatanda ay magiging kagaya ni Lola Techie:
…hindi ko magagawang hatakin ang nanay ko sa harap ng PC. Masyadong abala yun sa bahay, at mas gugustuhin pa niyang manood na lang ng sine sa SM kaysa magYouTube at magdownload ng torrent… Hindi na rin kasi niya gusto na matuto pa ng ibang mga kumplikado na bagay. Yun nga lang pagtetext e sapilitan pa naming itinuro sa kanya. Siguro dahil nga naman sa sobrang abala niya bilang ina, hindi na niya magagawa pang matuto nang bagong kaalaman na sa tingin naman niya e hindi niya mapapakinabangan sa pang-araw-araw naming buhay
At sa huli, tinatawag ni Mong, isang mambabatas na kumakatawan sa mga kabataan at patnugot ng GV sa Timog-Silangang Asya, ang atensyon nating lahat sa nakababahalang mensahe sa likod ng ad na hindi natin nakikita:
Sa pamamagitan ng ad na ito, ang kabataan ay nabigyan ng pagkakataong makita ang kanilang magiging kinabukasan. Isa itong nakakagimbal na babala na dumating na ang hinaharap. Katulad na tayo ng lola sa Bayantel: konektado sa mundo ng Internet, pero nag-iisa sa totoong mundo.